Thursday, July 21, 2011

ANG KWENTO NG ISANG LIBRO

Naroon ang isang mag-aaral sa silid-aklatan. Tila hindi mawari kung anong libro ang kanyang kukuhanin. May kailangan pa siyang tapusing takdang-aralin.

Dumating siya sa isang shelf na kung saan maraming magaganda at maayos na libro at sa dinami-dami ng mga librong iyon, dumampot siya ng isa. Maganda ang libro at nang kanyang binasa' marami siyang natutunan. Umupo siya at nagpatuloy na nagbasa. Pinaunlad ang kanyang kaalaman at karanasan ng librong iyon.

Sa kanyang pagbabasa, siya'y dumating sa puntong mistulang naging magulo ang lahat. Sinubukan niya na intindihin muli ang libro at kanya itong binasa muli sa simula. Sa kasawiang-palad, nabigo siyang maunawaan ang lahat.

Minabuti niyang magpunta ulit sa isang shelf kung saan maraming libro subalit may kaisa-isang natatangi. Kinuha nya iyon at binasa.

Sa kanyang pagbabasa, galak ang maaaninag sa kanyang mukha sapagkat may mga bagay siyang natutunan sa librong yun na wala sa una. Naliwanagan siya sa mga bagay na hindi niya naintindihan. Tila nagbukas ang langit sa kanyang nabibigong pag-asa at sa kanyang patuloy na pagbabasa ay lumawak ang kanyang isipan.

Nais niya sanang iuwi ang dalawang librong yun. Ipinasok niya ito sa bag at nang siya'y aalis na, siya'y sinabihan ng inspektor ng aklatan na isa lamang ang maaari niyang ilabas.
Siya ay napaisip. Ano kaya ang aking ilalabas?

Sinipat niya ulit ang dalawang libro. Inisip kung saan siya maraming matutunan. Kung saan maraming bagay ang magiging maliwanag sa kanya.


Naguluhan.
Nakapagdesisyon.
Naguluhan muli.

Hindi niya maaaring ilabas ang parehong libro.



Lubos ko lamang naunawaan ang lahat sa ikalawang libro. Subalit mas matagal kong nabasa ang unang libro. Iyun ang nauna kong kuhanin at sa kanya ko ibinatay ang kakayahan ko upang maunawaan ang lahat. 

Mahirap man sa kanya ngunit siya'y pumili. Itinago nya ang unang libro sa kanyang bag at iniwan sa lamesa ang pangalawa. Malungkot man siyang umalis nang aklatan, minabuti niyang panindigan ang kanyang desisyon. Umaasa siyang marami siyang matutunan sa librong iyun.


Hindi pa oras ng ikalawang libro na siya ay gamitin. Sa pag-alis niya'y may iniwan siyang pag-asa na may ibang taong mas makakakita ng dahilan kung bakit siya isinulat at marahil, hindi pa talaga iras ng librong yun para pagyamanin ang kanyang kaalaman.



Ang naiwan na lamang sa kanya ay ang alaala na minsan sa kanyang pananatili sa aklatan, inilagay nya ang librong yun sa kanyang bag.